Tao

Sa alon ng paglalakbay at pagtahak sa magulong daan, hindi sya natutumba o nawawalan ng balanse, habang yung mga kasabay nya – partida pa’t nakaupo – ay hilo na at mistulang ilalabas ang kanina nilang kinain sa agahan. Bitbit-bitbit ang halos anim na bareta ng papel na may iba’t ibang kulay sa isang kamay, at perang papel na nakaipit naman sa palasingsingang daliri sa kabila, mabilis ngunit sigurado nyang binibilang ang ibinibigay ng mga nagpasyang sumamasa kanyang paglalakbay.

Ang totoo, hindi ko masyadong alam ang kanyang kwento. Madalas ko lamang syang makita tuwing aangkas ako sa sakay nya. Hindi ko rin alam ang kanyang pangalan, o kung taga-saan sya; pero kasama ang taga-timon ng kanilang sasakyan, ipinapaubaya ko ang aking buhay at kaligtasan sa kanilang mga kamay. Hindi naman sa nagpapakatanga o itinapon ko na ang aking buhay. Hindi rin ibigsabihin nito na wala na akong pakialam sa kung ano man ang mangyayari sa akin, ngunit dahil sa simpleng katotohanan na naisipan kong sumakay kasama silang dalawa.

Pero madalas, hindi ko na rin naiisip yung ganoong bagay. Mas naaliw akong panoorin kung paano sya magtanong ng destinasyon ng kanyang pasahero, kumuha ng bayad, magpunit ng tiket mula sa kanyang bareta ng papel at iabot sa parehong pasahero na minsa’y kasabay ang kakabilang pa lamang na sukli. Lahat ng iyon, ginagawa nya habang nakatayo o nakasandal habang umaandar ang aming sasakyan at tinatahak ang magulo, masikip, at maduming kalye ng Maynila. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ganun at ganun din ang aking natutunghayan; ibang tao, ngunit parehong kilos lang din ang ipinapahiwatig.

Isang beses, sumakay ako at naupo sa loob ng sasakyan. Nilapitan nya ako at tinanong ang aking destinasyon, sumagot ako sabay abot ng bayad. Binilang nya ang aking sukli, nagpunit ng tiket at iniabot sa akin ang mga ito. Habang tinatahak ang daanan, inisip ko kung paano nga ba ang buhay bilang konduktor. Paano kaya nya nagagawang matirang nakatayo ng halos buong araw ng hindi natutumba, napapagod o na ngangawit sa kanyang kinatatayuan? Dagling pagmumuni-muni, na wala namang kabuluhan. Ngunit bilang pampatay ng oras, pinatulan ko ang inihai ang tanong ng aking naglalakbay na isipan. Siguro, kaya hindi sya natutumba o napapagod ay dahil sa gomang bilog na nakasuot sa kanyang hinlalaki na ikinukubli lamang nya bilang ordinaryong goma, pero sa katunayan, isa itong agimat na mayroong pambihirang kapangyarihan. Napangiti ako sa mga sinasabi ko, at nung mapansin ko na malapit na kami sa aking destinasyon, tumayo na ako at naglakad palapit sa pinto. Nangingiti pa rin sa naisip na kalokohan, nang may biglang humawak ng aking kwelyo at hinila ako paloob muli, at kasabay noon ay ang pagragasa ng isang bus sa harap ko na tila inaararo ang lahat ng kanyang madaanan.

Magkaiba man ang sasakyang nagdadala ng aming mga magkakasalungat na tadhana, pansamantalang pinagbubuklod ng aming sinakyan ang buhay namin. Kahit sa maikling pagkakataon lamang, pumalaot kami sa buhol-buhol na trapik ng EDSA, hindi namin kilala ang isa’t-isa, ngunit ipinapaubaya namin ang aming buhay makarating lang sa aming pupuntahan.

Leave a comment

Filed under Fiction

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s