P-O-L-S-C-I

Anlakas ng ulan.
Naghihintay ako habang basang-basa ang loob ng sapatos ko, parang isponghe na naibabad sa tubig ang medyas ko, sabon at piga nalang ang kulang pwede nang panghugas ng pinggan. Pati bag ko basa, akala mo inihian ng daga bago itinapon sa estero. Sana lang totoo at hindi false advertisment lang yung pagiging waterproof ng aking backpack, dala ko pa naman yung bagong xerox at mainit-init pang readings ko kay Marx at yung pagkahabahabang kaso tungkol kay Churchill at Rafferty na makailang beses ko nang binabasa pero hindi ko pa rin madigest. Dala ko rin pala yung kakabalik lang na paper namin sa Politics in Developed Countries. 10-pages of pure copy-paste yun, halos ma-ihi ako sa pantalon dahil akala ko masusulatan ng napakalaking P yung pinasa kong papel at hindi makagagradweyt. Buti nalang at lumusot, 23 out of 100 points, pwede na yun kaysa naman sa Plagiarism o FA.
Sa wakas, nakapara rin ako ng jip pagkatapos ng halos isang oras na paghihintay sa harap ng Baste. Muntik pa akong madulas at sumubsob ang mukha nung papa-akyat ako sa estribo ng jip, buti nalang at nakasampa ako sa manong na nakasumbrero na nakaupo sa dulo ng jip. Kaya lang sablay pa rin, nagmukha akong deboto na nakaluhod sa santong nakasumbrero habang namamanata. Nakakahiya. Nang makaupo na ako sa likod ng driver, dahan-dahang umabante muli yung jip, lumiko sa kanto ng Recto at Legarda at prumeno para magsakay ng mga pasahero. May mga sumakay na nakauniporme; mga estudyanteng katulad ko, at akalain mo, taga-UST pa yung ilan sa kanila. May tumabi sa akin na may pagkadilaw ang uniform; taga-AMV.
Muling umandar at umabante yung jip, akmang dudukot na sana ako ng wallet nang biglang, “Ma bayad po, makiki-abot!” Shet na malagket, istorbo. Paano kaya kung hindi ko iabot ang bayad nito? Nang kukunin ko na yung bayad nya, nagulat ako at nakita ko na kaklase ko pala nung High School yung tumabi sa akin. Pagkatapos kong i-abot yung bayad nya kinamusta nya ako. Sinabi ko na okay lang ako, medyo nahihirapan sa mga aralin pero mukhang gagradweyt naman. Tinanong nya kung anong course ko, sabi ko Pol Sci. Natameme sya, mukha hindi kami nagkaintindihan. Inulit ko ulit, Pol Sci – Political Science. Ayun, na-gets nya rin. Nagkaroon sya ng follow-up questions pagkatapos nun. Tinanong nya kung anong ginagawa namin sa Pol Sci, sabi ko nagbabasa.
“Nagbabasa ng alin?”
“Readings. Hegel, cases, Pol Philo, Local Government ganun.” Habang iniisip ko yung dami ng readings na naghihintay sa akin paguwi.
“Ahh. Bakit ka nag Pol Sci?”
Matagal akong nagisip. Inalala ko yung lectures ko simula nung Pol Sci as a Profession nung first year, pero walang pumasok na kahit ano. “Ewan, hindi ko rin alam.”
Para mapunan ang biglaang katahimikan, sya naman ang kinamusta sa pag-aaral nya, sabi nya mahirap daw. Obligations and Contracts, Taxation, Cost Accounting, Auditing, blahblahblahblah… Tumigil akong makinig at mas naging interesado sa posibilidad na may mga bacteria nang nagsimulang mamahay sa singit-singit ng aking paa dahil sa basa kong medyas.
“Grabe, ang hirap-hirap ng course namin. Biruin mo, halos isang buong libro ang ipapabasa ng prof namin tapos magpapa-assignment pa sya ng napakaraming accounting problems.”
Tuloy pa rin ang pagulan, malubak ang kalye dahil sa mga potholes na naglipana dahil sa malakas na pagbuhos ng tubig galing sa langit. Papaakyat na kami ng tulay na nagdudugtong sa Legarda at Vicente Cruz, kakadaan lang ng jip sa Arellano U.
Nawala na ng tuluyan yung atensyon ko sa kanya nang bigla nyang tinanong ang isang bagay na gabi-gabi’y pinagiisipan at aking pinagtatanto.
“Maglalaw ka ba?”
“Hindi ko pa sigurado. Hindi ko nga alam kung gagradweyt ako ng Pol Sci e.” Mabilis kong sagot, na mukhang ikinagulat namin pareho
“Di ba madali lang ang Pol Sci? Kasi wala naman kayong masyadong binabasa at puro recitations lang kayo. Di tulad sa’min na puro quiz at math, ang alam ko walang math sa inyo diba?”
Pumintig ang tenga ko; eh kung ipakain ko kaya sa kanya ‘tong mga readings na dala ko, tapos gawin kong dessert nya yung medyas na suot ko? Nakaka-asar. Imbes na murahin sya at ang nanay nya, nakuntento nalang ako na itanong sa kanya kung maglalaw rin ba sya.
“Depende kung papasa ako sa board exams. Kung papasa ako, maglalaw ako”
“Saan ka maglalaw?” Tanong ko
“Sa UP or Ateneo siguro. Kapag naging CPA na ako papasok ako sa accounting firm, madali na ang pera kapag nagkaganun, siguradong may pang-gastos na ako sa pagaaral ko.
“Buti nalang at nakapasa’t nakapasok ako sa Accountancy, pagkatapos ng four years ng hirap, kasama ang review at board exams, paniguradong sarap naman ang sasalubong sa amin. In-demand kasi ang mga accountant ngayon, maraming bagong kompanya ang nagsusulputan, at syempre, kapag may kompanya, may pera, at kapag may pera meron dapat accountant, doon kami papasok.
“Ikaw? Anong balak mong pasukan na trabaho pagkatapos mo ng Pol Sci?” Ang tanong nya sa akin
“Hindi ko alam e. Kung makakatapos ako ng Pol Sci, siguro papasok muna ako sa City Hall namin. O di kaya kukuha ako ng Civil Service Exam tapos magaapply sa mga government agencies. Kung wala talaga, edi sasali ako sa mga NGOs na may kanya-kanyang adhikain. O di kaya, pwede akong mag-call center pansamantala, habang wala pa akong nahahanap na trabahong masisiyahan ako.” Dugtong ko sa huli, kahit ako hindi sigurado sa pinagsasabi ko
“CALL CENTER?! HAHAHA. Shet, napatawa mo ako! Hahaha. Seryoso ka ba? Yung mga BSMA sa amin [mga bumagsak/hindi umabot sa quota sa retainment exams, at hindi pwedeng magtake ng CPA exams] nagiging manager ng mga mga store branches e, BAGSAK na yun ah! Ganun pa ang nakukuha nilang trabaho.”
Ngumiti nalang ako at pinilit kong tumawa habang sinasabayan sya sa paghalakhak dahil sa mga narinig. Tawa sya ng tawa nang bigla syang masamid at umubo; ayun kinabag. Buti nga. Nang makabawi na ng hininga, tuloy pa rin sya sa pagtatanong tungkol sa course ko.
“Bakit marami pa rin nagtatake ng Pol Sci kahit mahirap makahanap ng trabaho pagkatapos?” Usisa nya.
“Kasi siguro naghahanap kami ng sakit sa ulo at bulsa; yung tipo ng sakit na malalasap mo lang kapag nagbabasa ka na ng Leviathan na old english o di kaya’y isang 15 page paper sa Loc Gov na bukas na nang deadline, mahapdi naman at nakakabutas ng bulsa kapag pinag-xerox na kami ng mga babasahin; sangkatutak na journal na akala mo libro sa kapal, at bulto-bultong mga libro na hindi mo na mabuhat sa sobrang bigat.
“Thrill-seekers din kami. Para kaming mga skydivers kapag nagbabalasa na ng index card yung prof namin para sa recitation. Kapag ikaw ang masuwerteng natawag, itutulak ka na mula sa eroplano at hahayaang mahulog at the speed of light, depende sayo kung kaya mong buksan yung dala mong parachute o hinde. Minsan may mga skydivers na nakakalimutan ang parachute nila [mga hindi nakapagbasa], yung iba sa kanila lumalagapak, yung iba, minsan, naililigtas ng uwak.”
Iba na yung tingin ng kaibigan ko sa akin, baka akala nya nasaniban na ako ng masamang espiritu o tuluyan na akong nainfect ng mutant bacteria na nakuha ko sa pinaghalong chemical compound ng ulan, ihi ng daga, burak galing sa kanal, at madumi kong medyas. Pero hindi ako tumigil sa pagsasalit, dala na siguro ng ulan at mahangin kong kausap.
“Alam mo kasi, wala talagang pera sa Pol Sci. Yung course namin hindi naman in-demand sa mga malalaking kompanya na ang tanging alam ay magpayaman at kumita. Eh hindi nga kami magaling sa math, saan kami lulugar sa mundong umiikot sa porsyento ng stocks, sa laki ng revenue at lost, sa doktoran ng tax, at sa pagmamagic ng listahan para mabalanse ang kita sa isang buwan?
“Kaya walang yumayaman sa Pol Sci. Mayroong mga iilan na nagiging big time, mga pumapasok sa pulitika, mga anak [o anak sa labas] ng mga pulitiko, mga nagtuloy sa law at nagkaroon ng Notary Public chain sa buong Pilipinas na bukas 24 oras.
“Ang mayroon lang, mga ordinaryong Pol Sci students at graduates; mga bachelor’s degree holder na pumapasok sa government agency para tumulong sa paggawa at pagpapatupad ng programa para sa mga pamilya sa lansangan, mga adik at rugby boy sa daan, mga sunogbaga sa Tondo, mga street vendor sa overpass ng Raon, at mga tambay na nakapamewang Quezon Ave.” Patapos kong litanya kay Mr. Obligations and Contracts
Napatingin muli ako sa labas ng sinasakyan naming jip, nasa Sta. Mesa na kami, bandang Stop & Shop. Tumila na ang ulan pero madilim pa rin, at bakas pa sa hangin ang iniwan nitong amoy at lamig. Isa-isa nang nagsisibukasan ang mga ilaw ng mga bumabyaheng jip, parang mga matang dali-daling dumidilat para hindi mabangga o mawala sa daan. Anong oras kaya ako makakadating sa amin? Pikit mata kong itinanong sa hangin.

Leave a comment

Filed under Fiction

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s