Liham ng bukas palad nating pagsara sa isang kabanata ng ating buhay

(Culled from notes)

March 30, 2012

Dear Mr/Ms._____, AB:

Bago ang lahat, gusto kitang i-congratulate, dahil sa araw na ito, opisyal ka nang graduate ng Unibersidad ng Santo Tomas at kasama sa unemployed labor force ng Pilipinas. Matapos ang apat na taon ng hirap, puyat, pagod at sakripisyo, Diyos tayong tatayo (o nakaupo) habang suot-suot ang itim na toga habang nagpapawis dahil sa halong init, kaba, at excitement. Kasama ang ating mga magulang, kapatid, mahal sa buhay, at mga propesor na nagsilbing saksi sa ating kabiguan at pagpupunyagi, nawa’y hindi natin makalimutan ang sandaling ito; isang okasyon na una at huli nating mararanasan sa tanan ng mga kalog nating buhay.

Ngayon at isa ka sa mga kaluluwang magmamartsa para kunin ang iyong diploma (na ordinaryong papel lamang; blanko at walang sulat) ipinapanalangin ko na maalaala mo sana ang mga tao na naging dahilan kung bakit ka nariyan sa iyong kinatatayuan. Ika nga ni Sir Bong, tayong mga gagraduate ang huling binibigyang pugay sa commencement exercise. Simbolo lamang tayo ng mga taong karapat-dapat bigyang parangal sa okasyong ito; ang ating magulang, at mga mahal sa buhay. Mga taong nagsakripisyo ng kanilang panahon, lakas, salapi at buhay para lamang tustusan ang ating pagaaral at bigyan tayo ng magandang buhay. Kung kasama niyo sila ngayon, yakapin mo sila at hawakan ang kamay, bigyan mo ng halik at sabihin ang matagal mo nang kinikimkim sa iyong kalooban para sa kanila. Higpitan mo ang hawak, yung tipong ayaw mo nang bumitaw, isipin mo, wala nang maaaring pumalit sa kanila kapag inalon na sila ng tadhana palayo. Kung ang mahal mo ay hindi mo na maaaring makapiling, huwag malungkot at huwag papalamon sa iyong nadarama. May Diyos tayo sa taas na handing umagapay at makinig sa ating hinaing at kalungkutan. Ibulong mo sa hangin ang iyong panalangin, at ipangako sa sarili na mamahalin ng lubos ang mga natitirang tao sa paligid mo na parang huling araw mo na sa mundo.

Naaalala mo pa ba yung unang araw natin sa UST? Hanglabo lang at hindi ko makuha ang logic ng pagkakaayos ng room number sa St. Raymund’s building, siguro post-modern yung naghilera ng mga kwarto doon. Parang kahapon lang ang apat na taong nakalipas, mula sa pagiging inosente at walang malay na freshmen na takot pagabi ng uwi, naging nocturnal creatures tayo na gising ng umaga’t gabi. Pagkatapos ng commencement exercise natin, iikot muli ang mundo, magsisilbing tanglaw ang uniberso at babalik tayo sa pagiging inosenteng freshmen. Sa pagkakataong ito, hindi na tayo mapipinid sa apat sa sulok ng classroom; ang masukal na mundo sa labas ng UST ang ating magiging silid-aralan. Magkakaroon tayo ng mga bagong guro na magtuturo sa atin ng mga bagong pananaw at ideya. Pero sa sitwasyong ito, nasa atin na ang pagpapasya kung magiging isponghe tayo na sisipsipin lahat ng ating matututunan o embudo na sasalain ang mga leksyon sa atin ng mundo at pipiliin ang mga bagay batay sa ating paniniwala at pilosopiya. Magkakaroon din ng pagbabago sa kurikulum, kung dati, una muna ang lecture bago ang exam, ngayon, mas unang ibibigay ang exam bago ang lecture. Hindi na mahigpit ang mga prof mo kung magchecheat ka, konsensya mo na lamang ang tanging uusig sayo kung mandadaya ko o hindi.

Hello, andiyan ka pa ba? Sana’y hindi ka na nabobore sa mga pinagsasabi ko, malapit na tong matapos, promise. Sa mga grumaduate with honor. Binabati ko kayo, nagbunga ng mas makulay na prutas ang itinanim niyong bunga sa hardin ng St. Raymund’s building. Huwag hayaang matuyo at mabulok ang bunga ng inyong pagsisikap, nawa’y hindi kayo malason sa sulasok ng usok sa kalye ng EDSA at Espana dahil sa mga nagdaraang mga sasakyan. Sa mga nagtapos na hindi nakakuha ng honor, tuloy pa rin ang ikot ng ating buhay. Hindi man tayo nagkaroon ng kasing garbong bunga, maging kuntento na tayo at nagbunga pa ng prutas ang ating apat na taong edukasyon sa Pol Sci. Tandaan, mas makulay o maganda man tignan ang bunga ng mga magsisipagtapos na may titulong latin na nakakabit sa kanilang pangalan, ang lasa parin ng bunga ang siyang magiging huling batayan. Isang pamantayan na hindi masusukat kahit ng mga dalubhasa sa sining, siyensya, o panitik. Kaibigan, ano ang lasa ng iyong inaning bunga pagkatapos ng apat na taong pagtiyatiyaga? Patikim nga.

O eto na, patapos na ang aking liham na puno ng asim ng drama at tamis ng alaala. Ano nang balak natin pagkatapos makuha ang diploma? Gamitin natin ang road map ni April Anne Dizon:

What to do next after graduation?

(a) Law School
(b) Graduate School
(c) Find a decent job
(d) Rest, relax and rejuvenate

Bukod diyan marami pang ibang choices, pero lilimitahan ko na lamang sa apat na ‘yan. Parang namimili ka lang sa tiangge sa Greenhills o 168, dala-dala ang limandaang piso, kailangan mong pumili at bumili ng sapatos para gamitin sa iyong pang araw-araw na paglalakbay. Gaano ka kagaling maghanap ng magandang klase ng sapatos? Hanggang magkano ang kaya mong itaya para makuha mo ang minimithi mong sapatos? Makikipag-apakan ka ba sa mga kapwa mo mamimili para maunahan sila? Lahat yan, at marami pa, kailangan mong sagutin pagdating ng tamang oras. Ipinapanalangin kong nawa’y alam na natin ang kasagutan pagdating noon.

Galingan nating pumili, ang mga paa nating ito ang maghahatid sa atin sa inaasam nating mga pangarap.

Muli, congratulations and God bless!

At sa kataga ni Lalaine de Leon, Until the next touch of our friendship.

See you when I see you,
Rouse Stephen Cebreros, AB

558118_2650058585713_1126471728_n

Photo (c) Rennell Salumbre

Leave a comment

Filed under Personal

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s