Category Archives: Fiction

Aso

Bale nakasakay ako sa tricycle kanina papuntang Rotonda kasi pupunta akong UST. Sa loob ako ng sidecar umupo, tinabihan ako ng babae na may sukbit na bag. May akay-akay na aso sa kanang kamay habang nakadikit sa kaliwang tenga ang teleponong hawak ng isa pang kamay. Tila may kausap yung babaeng amo sa teleponong hawak. Una kong tinignan yung aso. Kasi naman, sa 13 taon kong pagsakay sa terminal dito, ngayon lang ako nakaengkwentro ng asong binitbit at pinasakay sa loob ng tricycle kasama ang amo. Kung hindi ako nagkakamali, Shih Tzu yung lahi nung aso. Halong puti, itim at brown ang kulay nito.

Sabi nila, swerte raw ang pusa kapag tatlo ang kulay ng balahibo nito. Pati kaya sa aso?

Anyway, hindi ko na winari kung babae o lalake yung aso. Bukod kasi sa natatakpan ng mahahaba at makakapal na balahibo nito ang kanyang etits (o ededs) naisip ko na baka mahuli ako nung amo nya na sinisipat yung pribadong bahagi ng katawan nung kanyang alaga. Mabuti nang mahuli na tao ang sinisilipan kaysa naman hayop. Hayop ka na nga, hayop pa ang trip mo.

Lumarga na yung tricycle matapos itong mapuno. Hindi ako nakapagagahan ngayong araw dahil huli na akong nagising. Napasarap ang tulog dahil sa bagong kabit na aircon sa kwarto. Kaya pagkabangon ko, diretso nang paligo at pagbihis para pumasok. Isang tasang kape at isang basong tubig lang, solb na.
Kung gaano kabilis tumatakbo ang tricycle, ganun naman ang ihip ng maalinsangang hangin na dumadampi sa aking mukha. Okay na sana, kaso parang may halong balahibo yung dalang bulong ng hangin. Pagkasalat ko sa aking mukha, nahipo ko na may balahibo ngang nakaangkla sa pagitan ng labi ko. Kinuha ko yung balahibo at ininspeksyon. Ang putang ina naglalagas ng balahibo habang nasa loob ng tricycle.

Dito ko na minata yung aso. Yung pagmamata na hitik sa poot at malisya. Sa sobrang abala ko sa pangmamata, hindi ko napansin na dinidilaan na pala nya yung bag kong dala. Putanginanggagongtarantadong ito. Napasigaw ako dahil hindi ako yung tipo ng tao na magpapadila ng gamit sa hayop pagkatapos akong pakainin ng balahibo nito sa loob ng tricycle sa ilalim ng nagbabagang maghapon na tubig at kape lang ang umagahan. Nalaman kong nagulat ako dahil agad kong isinara ang aking bibig dahil sa nagbabadyang piraso ng mga balahibo na tumatambay sa hangin, nalaman kong nagulat yung amo nung aso dahil halos nabitawan nya yung hawak nyang telepono. Nalaman kong nagulat yung alaga nya dahil wala na sya doon sa kanyang pinagpupwestuhan.

Sabi nila, kapag itinapon mo raw ang pusa mula sa mas mataas na lugar, palagi itong babagsak sa kanyang mga talampakan.

Tumalon ang putang ina. Yung aso hindi yung amo. Nag-ala superdog pagkatapos magulat sa pagkakasigaw ko. Pero imbes na lumipad, plumakda sya sa espalto at nagpagulong-gulong na parang tsubibong tumira ng shabu. Sampu, kinse, bente. Hindi ko na nabilang yung dami ng ikot na ginawa nung aso.
Pero kahit gusto ko man bilangin yung rotasyon nung katawan nung aso, hinadlangan ako ng 20″ na gulong ng rumaragasang Fortuner. Matapos lang ang ilang segundo, hindi na katawan nung asong nagpatambling tambling ang nakita ko sa kalsada, ngunit ang kaliwang gulong ng kaskaserong Fortuner na madali lang kaming inover-take-an.
Pinilit kong ispatan yung katawan, o kung ano man ang natira, nung aso, pero malayo-layo na rin ang tricycle sa pinangyarihan ng trahedya. Pinilit kong sipatin kung babae ba sya o lalake, pero iniisip ko na baka husagahan ako bilang manyakis ng kanyang amo.

And I therefore conclude na hindi swerte (hindi ko sinasabing malas) ang asong tatlo ang kulay ng balahibo. At hindi rin ito bumabagsak sa kanyang mga talampakan kapag tumalon sya sa gumagalaw na tricycle bago masagasaan ng humaharurot na sasakyan.

Pic related. Parang ganito yung itsura nung aso (bago napisa na akala mo ginulungan ng magmumurang pison)

ShihTzuPurebredDogsLongHairedFullCoatFredRed5YearsOld

appreciation for use of photo credited to where credit is due

Leave a comment

Filed under Fiction

Bakit Kailangan ng Closure?

P-U-T-A-N-G   I-N-A   N-Y-A

Ang nakasulat sa isang piraso ng papel na pitong beses na tinupi, tinalupan, at tiniklop muli bago ibinigay sa akin para buksan at basahin.

Labor law class namin. Tatlong oras ng umaatikabong recitation kay atty. Ngayong araw na ito, yung musa o class muse namin ang napiling bigatin sa tumpok ng index card na binalasa, kinut, at muling binalasa bago bunutan para mapili kung sino ang magrerecite.

Ibinaling ko ang tingin kay Ana. Sya yung nagbigay sa akin nung papel na hitik sa inis.

“Sinong kaaway mo ha?” ang pakorteng sabi ng bibig ko ng walang ingay habang nakataas ang dalawang kilay.

“Bob.” ang bukas ng kanyang bibig na walang halong tunog pero halata ang pagkaburat.

Si Bob, yung humarana kay Ana sa reading area para sagutin sya at maging boyfriend nito. Okay sana yung ginawa nya, kaso itinaon ni Bob sa buwan ng Bar exams yung gimik nya. Kaya ayun, nakuyog. Ang balita ko, putol lahat ng kwerdas ng gitara na dala nya. At yung balat ng Ferrero chocolate na panuhol sana ni Bob kay Ana ay nakapasak lahat sa bibig nya. (bibig ni Bob hindi ni Ana)

Ang totoo, palaisipan pa rin sa akin kung bakit sinagot ni Ana ang mokong na iyon.

Hindi naman sa nagbubuhat ako ng sariling bangko, pero dihamak na mas may common sense ako kaysa kay Bob at halos parehas lang kami ng dami ng paligo. At hindi naman sa defensive ako, pero wala akong gusto kay Ana. Aaminin ko maganda sya. Maputi. Maliit ang mukha pero mabilog ang mga mata. Dati nagsusuot sya ng salamin, pero ngayon naka-contact lens na sya. Mapupungay ang mga pisngi habang nakaangkla ang mahaba at itim nyang buhok sa kanyang perpektong mga tenga. Matangos ang ilong at malambot ang mapula-pula nyang mga labi.
Medyo may kapayatan nga lamang at hindi nabiyayaan ng malusog na hinaharap. Pero mahaba at balingkinitan ang kanyang mga hita.

Siguro kaya sinagot sya ni Ana ay dahil sa awa nito sa kanya. Siguro dahil lumambot na parang tsokolate ang puso nya nung nakita nya si Bob na bugbog kasama ang gitara.

Ano kayang nangyari dun sa gitara? Balita ko Yamaha daw yung tatak nun at original. Shet na malagket, sayang.

Nagsulat ako ng reply, ‘Anong nangyari?’

Tinignan, binasa, tinupi, at pinasuyo sa katabi para ipasa.

Sinundan ko ng tingin ang papel habang pinagpasa-pasa ito ng mga kamay habang pasulyap-sulyap ako kay atty. na kasalukuyang ginigisa si class muse. Kaso ang ibinigay na tanong nito. Chua-Qua v. Clave. Tungkol sa hindi tama at delay na pagpapasweldo nung employer. Mukhang okay pa naman si class muse. Kaya pang sumabay sa mga tanong na ibinabato sa kanya.

Ibinalik ko muli ang tingin kay Ana. Hindi pa sya tapos magsulat.

Tingin ulit ako kay atty. at class muse.

Wiling-wili magtanong si atty. May kurba ng konti sa gilid ng labi. Yung tipong pangiti sya. Dahil sa tamang sagot na ibinibigay ni class muse o dahil alam nyang kagaguhan na lamang ang mga ibinigay nito sa kanya. Hirap sabihin. Ayoko namang tignan si atty. sa mata, baka magkrus pa ang tingin namin at ako ang sunod na mapagtripan nya.

Tinapik ako sa tenga nung katabi ko.

“Putang ina.” ang sambulat ko sabay tingin sa kanya.

Hawak nya yung papel at halata mo sa mukha nya ang pagkaurat.

Halata mo rin sa mukha ni atty. ang pagkagulat at pagtataka habang nakatingin sya sa akin. Pati si class muse nakatingin habang nakabukas ang bibig at tipong natigilan sa kalagitnaan ng pagsagot sa recitation.

Anak ng pitongput-pitong puting puta, narinig ata ako ni sir.

“Mr. Cruz. Anong poblema?” ang tanong ni atty. yung kurba sa gilid ng labi tuluyan nang naglaho at nawala

“None sir. I’m sorry.” nangunguluntoy na sagot ko habang nakababa ang tingin para iwasan ang mga mata nya.

Katahimikan. Huni lamang ng aircon ang maririnig mo sa ganitong klase ng katahimikan.

Ibinalik ni atty. kay class muse ang atensyon nito.

Tumingin ako kay class muse para humingi ng dispensa.

Pero yung tingin nya sa akin, kahit duling mahihiya at pipilitin ituwid ang balugtot na mga mata.

Alam nyang alam ko na alam nyang mas magiging mahirap at specific ang susunod na tanong ni atty. pagkatapos ng nangyari.
Pero alam ko na alam nya na alam ko na kapag hindi na sya (class muse) nakasagot, tyak ako ang susunod na ‘mabubunot’ sa tumpok ng index card para humalili at pumalit sa kanya.
At alam ko na alam ng aking mga kaklase na alam ko ang mga ito. At nararamdaman ko ang tahimik pero nagiisa at nagkakaisang buntong ng mga hininga ng ibang nakaupo dahil tyak hindi sila ang sunod na matatawag. Mga gago.

Ako na rin lang ang susunod na matatawag, mabuti pang ihanda ko na ang sarili sa pamamagitan ng pagbasa sa mala-nobelang sulat ni Ana.

Kinuha ko ang papel at binuksan.

‘Break na kami. Gusto ko ng closure.’

Yun lang ang nakasulat.

Putang inang ‘to. Ano ako? Nagmimilagrong santo? Anong gustong mangyari ni Ana? Gusto ba nya na pasulatin ko si Mr. Carinoso (Ca-rin-yo-so) para magbigay ng advice, sabuyan ko ng dugo, dasalan ng latin at humiling na basbasan ng Santo Papa ang papel na ‘to.

Pero mukhang seryoso si Ana sa bagay na ito. At bilang kaibigan, kaklase, deboto ng Nazareno, at sunod nang babarilin sa Bagumbayan kailangan kong magbigay ng mabuting sagot. Baka sakaling ma-convert ito sa good karma points.

Putragis. Hindi ko alam ang isusulat ko. Ano ba kasi yang closure na yan?

Pero teka. Break na daw sila ni Bob. Tatalon-talon na tipaklong. Wala na si Ana at Bob na mukhang asong pandekorasyon sa taxi na tatango-tango ang ulo.

Tingin kay atty. at class muse. Halos tumirik na ang mata ni class muse sa pagtingin sa kisame na parang may hinahanap na kung ano. At ako naman si gago, napatingin din sa taas para malaman kung ano yung hinahanap nyang yun. Masamang pangitain ito.

Tingin sa papel. Tingin kay Ana. Balik sa papel. Pero nasa isip ko pa din si Ana. Closure. Bakit pa ba kailangan ng closure pagkatapos magbreak? Break na nga kayo e. Kumbaga sa pelikula, ending na. Nangangabayo na ang bida patungo sa palubog na araw, naghalikan na ang dalawang magkasintahan habang may bumabati ng ‘MABUHAY ANG BAGONG SAKAL este KASAL’, nahuli na ng late na mga pulis ang lampas isang dosenang bugbog saradong goons sa isang abandonadong warehouse at nagtatawanan na ang mga bida na binubuo ng dalawang matanda, dalawang babae, isang bakla, tatlong chikiting at isang askal na nagngangalang ‘Pulgas’ na nambugbog sa mga masasamang loob.

Bakit kailangan mo pa ng closure kung may happy ending na nga? E kung hindi ka rin lang isa’t kalahating tanga. Kailan pa naging happy ending ang break-up sa pagitan ng dalawang nagmamahalan? Sa mga abangers na tahimik at lumiligid-ligid, pwede pa siguro. Sa halos lahat yata ng relasyon meron nun.
Teka, ako ba yung abangers sa relasyon ni Ana at Bob? Syempre hinde. Paano ako magiging abangers kung ako ang tao na para talaga kay Ana. Hindot. Kaibigan lang si Ana.

Ka-ibig-an.

Ang ipinupunto ko ay bakit sa bawat love story na ginawa ng Diyos na nauwi sa hiwalayan, palaging mayroon maghahanap ng closure. Palaging mayroon isa na tatawag o magtetext na ‘usap tayo…’, ‘anong nangyari sa atin?’, ‘ANIMAL. Ipinapangako ko, kapag nagkita tayo puputulin ko yang ari mo at ididikit sa noo mo!’

Palaging mayroong maghahanap ng lohiko sa likod ng bawat kabiguan ng puso. Kung ang pagsagot sa recitation ay parang paghahanap ng karayom sa tumpok ng dayami na kailangan lang buhusan ng langis ng pagpupuyat at silaban para mahanap ang karayom ng tamang sagot, ang paghahanap naman ng closure sa break-up ay parang paghahanap ng isang gabuhok na piraso ng dayami sa tumpok ng mga karayom. May posibilidad namang mahanap. Pero baka nagdedelusyon na yung naghahanap dahil sa tetano na dala ng tusok ng libo-libong karayom.

“Mr. Cruz….”

Para akong tinusok ng nagyeyelong karayom sa batok. Napatayo ako. Sabay linga kay atty., kay class muse, at kay Ana. Nalintikan na. Ito na nga ba yung sinasabi ko.

“In the case of Chua-Qua v. Clave, what did the Supreme Court say about the human heart with respect to the relationship of Petitioner Evelyn Chua-Qua with her former student and current spouse Bobby Qua?” ang sintensya sa akin ni atty.

Tingin sa kisame. Tingin kay class muse. Tingin kay Ana. Ngit-ngit ng butiki sa kisame na kumain sa sagot na aking hinahanap. Anong isasagot ko? Punyemas.

Nabasa ko naman yung kaso, pero hindi ko maalala na may binanggit yung Supreme Court tungkol sa ‘human heart’ na yan. Hindi pwedeng i-bluff, masyadong specific yung tanong. Kumbaga sa impyerno, ako yung maswerteng napili ni Satanas na tusukin ng paulit-ulit gamit ng dambuhala nyang tinidor.

Magsasabi na sana ako ng ‘Sir I have not read the case.’ nang bigla akong tinapik sa hita ng katabi ko. May isinulat sya sa papel na pitong beses na tinupi, tinalupan at muling tiniklop bago ibinigay sa akin ni Ana.

Bahala na si Batman. Inilapat ko ang papel at binasa ng tahimik ang laman:

P-U-T-A-N-G   I-N-A   N-Y-A

Anong nangyari?

Break na kami. Gusto ko ng closure.

The heart has reasons of its own which reason does not know.

Bibliography:
– Evelyn Chua-Qua v. Hon. Jacobo C. Clave; GR No. L-49549; August 30, 1990

Leave a comment

Filed under Fiction

Ang Mundo parang Quiapo pag Byernes

Sa Quiapo may nakilala akong puta. Nilapitan nya ako loob ng simbahan habang taintim akong nagdadasal
“O Diyos ko, patawarin mo ako sa ginawa kong sala. Hindi ko naman po alam na mamamatay si Eba. Malay ko ba na mahina pala sa lamig yung animal na yun. Ano pa bang silbi ng balahibo nya? Putaragis na pusa.”
Tinabihan nya ako (yung puta hindi yung pusa) sa pinagluluhuran ko.
Hindi ko sya nakita at pinansin pero hinataw agad ako ng pabango nya.
Parang Albatros na isinawsaw sa Ethyl alcohol bago niradrad sa balat.
“Puta.” Ang nasambit ko bigla.
Sabay dilat ng mata para iturok sa kanya ang matalim kong tingin ng inis at pagkaburat.
Isang pares din ng mata ang nakabaling sa akin.
Para akong upos ng yosi na niyupyop ng mapupula nyang labi.
Sa huling hithit, hinigop nya ang kung ano mang natira sa pagkatao kong inupos ng panahon at tadhana.

“Tang ina, parak ka ba?” Basag nya sa aming katahimikan.
Hinde.
“Sabagay, muka ka pang bata.”
Sabog ba ‘to?
“Gusto mo ba nito?” Sabay nguso sa halos nakaluwa nyang mga suso.
Sabog nga. Putragis.
“Kaya kitang dalhin sa langit. Isanlibo all the way.
“Masikip pa ‘to, dalawa pa lang ang anak ko e.”
Baka kasing sikip naman ng Plaza Miranda pagkatapos bombahin yang puki mo.
“Tarantadong gagong putang inang ‘to!”

Naglingunan ang mga tao malapit sa amin. Parang eksena sa pelikula. Magaling. Ito ang kailangan ko. Punyemas.
Tinitigan kami ng isang dosenang mata na nananampalataya na may kasamang ekspresyon na akala mo may nilunod kaming pusa sa
Ilog Pasig.
Bakit nalang puro puta, este pusa ang nasa isip ko ngayon?
Akala mo napakalinis ng mga sumsampalatayang mga ito. Pustahan tayo, yung iba sa mga ito may kabit o kalaguyo o parokyano ng
pok pok sa kanto ng Morayta at Recto.
Pumikit na lamang ako para ituloy ang dasal. Umaasa na sana lubayan ako ng kaulolan sa paligid ko ay nagaganap.

“O Diyos ko, patawarin mo ako sa ginawa kong sala. Ako na lamang po ang kunin nyo at ibalik nyo na po si Eba. Napapaligiran po ako ng mga imoral, mapagbalatkayo, swapang, sinungaling at mandarambong.
O Diyos ko, patawarin mo ako sa ginawa kong sala. Mahal ko po ang aking puta, este pusa, na si Eba. Iligtas nyo po sya sa mundong hitik sa sala.”

Leave a comment

Filed under Fiction

12:25AM o Dahil Hindi Ako Madalaw ng Antok

Idilat ang mga mata, gamitan ng plais kung kailangan.
“Hindi na muling matutulog ngayong gabi.” Ang paulit-ulit na bigkasin habang tinatadtad ng patalim ang mga daliri na iyong hinawakan at dinurog, at nagmukhang luya.

Sa bisig mo ay hindi na muling magpapaduyan;
Magpapadala sa agos habang dahan-dahan mo akong niluluto sa sarili kong mantika at
Sa mabango at malinis mong pangarap na nilamog at pinanis ng matalim mong dila.

“Hindi na muling matutulog ngayong gabi.”
Ang paghele mo na gabi-gabi kong pinananabikan.
Ang boses na marahang dumadaloy sa milyong milya ng lubak sa aking mundo, na umiikot at umiindayog sa bawat pitik ng tono at hinto ng iyong salita.
Ngayon ay tumigil na. Natuyo. Natigang.

“Hindi na muling matutulog ngayong gabi.”
Ang aking panalangin habang isinusukbit ang plais at patalim.

Leave a comment

Filed under Fiction

Pasko: Isang pagsubok ang gumawa ng paper sa ganitong panahon

(Circa 2011)

Isang malaking pagsubok ang gumawa ng paper sa ganitong panahon, lalo na kapag tuloy-tuloy ang kindat sayo ng mga Christmas lights sa labas ng bintana; mistulang nang-aakit gamit ang natural nilang ganda at ningning, parang mga bituin sa langit pagkatapos ng isang malakas na ulan. Naririnig mo rin ng bahagya ang pangangarolin ng mga bata sa kalsada, ang kahol ng aso dahil sa mga taong nagvivideoke habang nagiinuman; mga tawanan at malakas na kwentuhan na gumagambala sa gabi mong dapat ilalan sa paggawa ng paper na bukas ang deadline.
Dahan-dahang kang niyayapos ng lamig na dala ng hangin habang nakaupo ka sa harap ng iyong computer, hinihila ka papunta sa kama mong kanina pa naghihintay sa’yo. Nahiga ka at tinabihan mo ang paborito mong stuff toy at unan; isang teddy bear na regalo sa’yo ng special someone mo at paborito mong unan na niyayakap mo kapag namimiss mo ang special someone mo na ‘yun.

Bago pa pumikit at tuluyang dalhin ng ihip ng hangin, naaaninag mo ang screen ng computer mo, blanko at walang laman; tulad ng isip mo ngayon.

Bumulong ka ng maikli ngunit taimtim na panalangin.
Napangiti ka, magiging okay lang lahat, bulong sa’yo pabalik ng hangin.

Leave a comment

Filed under Fiction

P-O-L-S-C-I

Anlakas ng ulan.
Naghihintay ako habang basang-basa ang loob ng sapatos ko, parang isponghe na naibabad sa tubig ang medyas ko, sabon at piga nalang ang kulang pwede nang panghugas ng pinggan. Pati bag ko basa, akala mo inihian ng daga bago itinapon sa estero. Sana lang totoo at hindi false advertisment lang yung pagiging waterproof ng aking backpack, dala ko pa naman yung bagong xerox at mainit-init pang readings ko kay Marx at yung pagkahabahabang kaso tungkol kay Churchill at Rafferty na makailang beses ko nang binabasa pero hindi ko pa rin madigest. Dala ko rin pala yung kakabalik lang na paper namin sa Politics in Developed Countries. 10-pages of pure copy-paste yun, halos ma-ihi ako sa pantalon dahil akala ko masusulatan ng napakalaking P yung pinasa kong papel at hindi makagagradweyt. Buti nalang at lumusot, 23 out of 100 points, pwede na yun kaysa naman sa Plagiarism o FA.
Sa wakas, nakapara rin ako ng jip pagkatapos ng halos isang oras na paghihintay sa harap ng Baste. Muntik pa akong madulas at sumubsob ang mukha nung papa-akyat ako sa estribo ng jip, buti nalang at nakasampa ako sa manong na nakasumbrero na nakaupo sa dulo ng jip. Kaya lang sablay pa rin, nagmukha akong deboto na nakaluhod sa santong nakasumbrero habang namamanata. Nakakahiya. Nang makaupo na ako sa likod ng driver, dahan-dahang umabante muli yung jip, lumiko sa kanto ng Recto at Legarda at prumeno para magsakay ng mga pasahero. May mga sumakay na nakauniporme; mga estudyanteng katulad ko, at akalain mo, taga-UST pa yung ilan sa kanila. May tumabi sa akin na may pagkadilaw ang uniform; taga-AMV.
Muling umandar at umabante yung jip, akmang dudukot na sana ako ng wallet nang biglang, “Ma bayad po, makiki-abot!” Shet na malagket, istorbo. Paano kaya kung hindi ko iabot ang bayad nito? Nang kukunin ko na yung bayad nya, nagulat ako at nakita ko na kaklase ko pala nung High School yung tumabi sa akin. Pagkatapos kong i-abot yung bayad nya kinamusta nya ako. Sinabi ko na okay lang ako, medyo nahihirapan sa mga aralin pero mukhang gagradweyt naman. Tinanong nya kung anong course ko, sabi ko Pol Sci. Natameme sya, mukha hindi kami nagkaintindihan. Inulit ko ulit, Pol Sci – Political Science. Ayun, na-gets nya rin. Nagkaroon sya ng follow-up questions pagkatapos nun. Tinanong nya kung anong ginagawa namin sa Pol Sci, sabi ko nagbabasa.
“Nagbabasa ng alin?”
“Readings. Hegel, cases, Pol Philo, Local Government ganun.” Habang iniisip ko yung dami ng readings na naghihintay sa akin paguwi.
“Ahh. Bakit ka nag Pol Sci?”
Matagal akong nagisip. Inalala ko yung lectures ko simula nung Pol Sci as a Profession nung first year, pero walang pumasok na kahit ano. “Ewan, hindi ko rin alam.”
Para mapunan ang biglaang katahimikan, sya naman ang kinamusta sa pag-aaral nya, sabi nya mahirap daw. Obligations and Contracts, Taxation, Cost Accounting, Auditing, blahblahblahblah… Tumigil akong makinig at mas naging interesado sa posibilidad na may mga bacteria nang nagsimulang mamahay sa singit-singit ng aking paa dahil sa basa kong medyas.
“Grabe, ang hirap-hirap ng course namin. Biruin mo, halos isang buong libro ang ipapabasa ng prof namin tapos magpapa-assignment pa sya ng napakaraming accounting problems.”
Tuloy pa rin ang pagulan, malubak ang kalye dahil sa mga potholes na naglipana dahil sa malakas na pagbuhos ng tubig galing sa langit. Papaakyat na kami ng tulay na nagdudugtong sa Legarda at Vicente Cruz, kakadaan lang ng jip sa Arellano U.
Nawala na ng tuluyan yung atensyon ko sa kanya nang bigla nyang tinanong ang isang bagay na gabi-gabi’y pinagiisipan at aking pinagtatanto.
“Maglalaw ka ba?”
“Hindi ko pa sigurado. Hindi ko nga alam kung gagradweyt ako ng Pol Sci e.” Mabilis kong sagot, na mukhang ikinagulat namin pareho
“Di ba madali lang ang Pol Sci? Kasi wala naman kayong masyadong binabasa at puro recitations lang kayo. Di tulad sa’min na puro quiz at math, ang alam ko walang math sa inyo diba?”
Pumintig ang tenga ko; eh kung ipakain ko kaya sa kanya ‘tong mga readings na dala ko, tapos gawin kong dessert nya yung medyas na suot ko? Nakaka-asar. Imbes na murahin sya at ang nanay nya, nakuntento nalang ako na itanong sa kanya kung maglalaw rin ba sya.
“Depende kung papasa ako sa board exams. Kung papasa ako, maglalaw ako”
“Saan ka maglalaw?” Tanong ko
“Sa UP or Ateneo siguro. Kapag naging CPA na ako papasok ako sa accounting firm, madali na ang pera kapag nagkaganun, siguradong may pang-gastos na ako sa pagaaral ko.
“Buti nalang at nakapasa’t nakapasok ako sa Accountancy, pagkatapos ng four years ng hirap, kasama ang review at board exams, paniguradong sarap naman ang sasalubong sa amin. In-demand kasi ang mga accountant ngayon, maraming bagong kompanya ang nagsusulputan, at syempre, kapag may kompanya, may pera, at kapag may pera meron dapat accountant, doon kami papasok.
“Ikaw? Anong balak mong pasukan na trabaho pagkatapos mo ng Pol Sci?” Ang tanong nya sa akin
“Hindi ko alam e. Kung makakatapos ako ng Pol Sci, siguro papasok muna ako sa City Hall namin. O di kaya kukuha ako ng Civil Service Exam tapos magaapply sa mga government agencies. Kung wala talaga, edi sasali ako sa mga NGOs na may kanya-kanyang adhikain. O di kaya, pwede akong mag-call center pansamantala, habang wala pa akong nahahanap na trabahong masisiyahan ako.” Dugtong ko sa huli, kahit ako hindi sigurado sa pinagsasabi ko
“CALL CENTER?! HAHAHA. Shet, napatawa mo ako! Hahaha. Seryoso ka ba? Yung mga BSMA sa amin [mga bumagsak/hindi umabot sa quota sa retainment exams, at hindi pwedeng magtake ng CPA exams] nagiging manager ng mga mga store branches e, BAGSAK na yun ah! Ganun pa ang nakukuha nilang trabaho.”
Ngumiti nalang ako at pinilit kong tumawa habang sinasabayan sya sa paghalakhak dahil sa mga narinig. Tawa sya ng tawa nang bigla syang masamid at umubo; ayun kinabag. Buti nga. Nang makabawi na ng hininga, tuloy pa rin sya sa pagtatanong tungkol sa course ko.
“Bakit marami pa rin nagtatake ng Pol Sci kahit mahirap makahanap ng trabaho pagkatapos?” Usisa nya.
“Kasi siguro naghahanap kami ng sakit sa ulo at bulsa; yung tipo ng sakit na malalasap mo lang kapag nagbabasa ka na ng Leviathan na old english o di kaya’y isang 15 page paper sa Loc Gov na bukas na nang deadline, mahapdi naman at nakakabutas ng bulsa kapag pinag-xerox na kami ng mga babasahin; sangkatutak na journal na akala mo libro sa kapal, at bulto-bultong mga libro na hindi mo na mabuhat sa sobrang bigat.
“Thrill-seekers din kami. Para kaming mga skydivers kapag nagbabalasa na ng index card yung prof namin para sa recitation. Kapag ikaw ang masuwerteng natawag, itutulak ka na mula sa eroplano at hahayaang mahulog at the speed of light, depende sayo kung kaya mong buksan yung dala mong parachute o hinde. Minsan may mga skydivers na nakakalimutan ang parachute nila [mga hindi nakapagbasa], yung iba sa kanila lumalagapak, yung iba, minsan, naililigtas ng uwak.”
Iba na yung tingin ng kaibigan ko sa akin, baka akala nya nasaniban na ako ng masamang espiritu o tuluyan na akong nainfect ng mutant bacteria na nakuha ko sa pinaghalong chemical compound ng ulan, ihi ng daga, burak galing sa kanal, at madumi kong medyas. Pero hindi ako tumigil sa pagsasalit, dala na siguro ng ulan at mahangin kong kausap.
“Alam mo kasi, wala talagang pera sa Pol Sci. Yung course namin hindi naman in-demand sa mga malalaking kompanya na ang tanging alam ay magpayaman at kumita. Eh hindi nga kami magaling sa math, saan kami lulugar sa mundong umiikot sa porsyento ng stocks, sa laki ng revenue at lost, sa doktoran ng tax, at sa pagmamagic ng listahan para mabalanse ang kita sa isang buwan?
“Kaya walang yumayaman sa Pol Sci. Mayroong mga iilan na nagiging big time, mga pumapasok sa pulitika, mga anak [o anak sa labas] ng mga pulitiko, mga nagtuloy sa law at nagkaroon ng Notary Public chain sa buong Pilipinas na bukas 24 oras.
“Ang mayroon lang, mga ordinaryong Pol Sci students at graduates; mga bachelor’s degree holder na pumapasok sa government agency para tumulong sa paggawa at pagpapatupad ng programa para sa mga pamilya sa lansangan, mga adik at rugby boy sa daan, mga sunogbaga sa Tondo, mga street vendor sa overpass ng Raon, at mga tambay na nakapamewang Quezon Ave.” Patapos kong litanya kay Mr. Obligations and Contracts
Napatingin muli ako sa labas ng sinasakyan naming jip, nasa Sta. Mesa na kami, bandang Stop & Shop. Tumila na ang ulan pero madilim pa rin, at bakas pa sa hangin ang iniwan nitong amoy at lamig. Isa-isa nang nagsisibukasan ang mga ilaw ng mga bumabyaheng jip, parang mga matang dali-daling dumidilat para hindi mabangga o mawala sa daan. Anong oras kaya ako makakadating sa amin? Pikit mata kong itinanong sa hangin.

Leave a comment

Filed under Fiction

Bagay

Mahalaga ito sa tao. Halos kasing halaga ng pagikot ng mundo sa pagitan ng araw at gabi, sa ibang tao’y mas importante pa ito kaysa sa oras at panahon, mas may saysay pa kaysa sa lupang inaapakan at mga bituin na ating tinitingala. Ayon sa aking mga kaibigan, ang pagkakaroon ng ganitong bagay tulad ng pagkakaroon ng isang portable na mundo. Isang mundo kung saan ang katotohanan at kathang isip ay hindi mawari, isang mundo kung saan ang katawan at kaluluwa ay kayang mag-assume ng iba’t-ibang porma, mula sa isang ordinary bato hanggang sa isang malaki at malakas na halimaw. Sa mundong ito, hindi hadlang ang hangganan ng pagkatao, ngunit ang hangganan sa imahinasyonng taglay.

Ang mundong ito ay nakapaloob sa isang bagay, bagay na kaya mong dalihin sa iyong palad, isang bagay na maaaring kainin ang oras mo ng halos isa buwan, o isang upuan. Kaya kang paluhain at patawanin, babasagin at ibabaon nito ang puso mo o pabibilisin ang tibok nito, depende sa hawak mo. Simula pa nang maisulat ang kasaysayan ng tao, nililimbag na ito ng mga mayroong imahinasyon at tyagang isulat ang kanilang kwento. Mula sa hieroglyphics ng sinaunang ehipto, hanggang sa ebooks ng IPad at Kindle. Ngunit magkagayon man, at sa aking personal na opinyon, wala pa ring tatalo sa isang normal na libro.

Isang libro – mahalaga sa tao. Isang bagay na kayang lumikha ng sarili nitong uniberso kung saan lahat ng bagay ay posible. Kung saan ang araw at mga bituin ang iikot sa ating mundo, na lahat ng bagay ay kayang ipaliwanag ng imahinasyon, kung saan ang siyensya ay nawalan ng saysay at ang katha ay mas mahalaga kaysa katotohanan.

Isang libro na iisa ang hugis, ngunit nagkakaiba sa kapal, laki, kulay, at nilalaman nitong diskurso. Maaari itong maging napakakapal na hindi na ito kayang buhatin ng isang kamay, o sobrang nipis na kaya mo itong itago sa iyong palad. Ngunit ang pabalat ng libro ay pabalat lamang, ang talagang importanteng bagay na dapat bigyang halaga ay ang nilalaman nito, ika nga nila, “Don’t judge a book by its cover.” Ang libro ay parang pack ng Skittles, alam mong Skittle ang laman nito dahil sa kanyang pabalat, pero ang hindi mo alam, ay kung ilan doon ang may flavour na apple, strawberry, grape, lemon, etc. at kung ano ang un among mabubunot at kakainin. Marahil dilemma ito sa nakararami, ngunit para sa ibang tao, ang elemento ng misteryo ng isang libro ay isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit hanggang sa ngayon, tinatangkilik ng bilyon-bilyong tao ang libro. Dahil sa libro, ang ordinaryong pamumuhay ay nagiging ekstra-ordinaryo, katulad ng pagkahulog ni Alice sa rabbit hole, ang tanging kailangan mo lamang ay imahinasyon, tyaga, at konting pixie dust.

Leave a comment

Filed under Fiction

Damdamin

Isang batas para sa isang manunulat ang pagkakaroon ng ideya kung paano tatapusin ang kanyang isinulat. Oo nga naman, lahat ng sinimulan na gawa ay dapat may katapusan, ang lahat ng kwento ay dapat mayroong wakas, at ang lahat ng pangungusap ay dapat mayroong tuldok sa dulo. Gusto man natin o hindi, ang wakas ay kasama ng simula, katulad ng pagikot ng mundo sa kanyang axis, habang naghahabulan ang umaga at dilim kasama ang araw, buwan at mga tala. Ang wakas ay hindi kabaligtaran ng simula, ito ay kaakibat nya, hindi magbabago yun, kahit ano pang mangyari. The End.

Pero sinong nagsabi na ang bawat katapusan ay hindi maaaring tuldukan ng bagong simula? Ika nga sa kantang Closing Time by Semisonic, “Every new beginning, comes from some other beginning’s end.” At ano nga ba ang naiiwan kapag natatapos na ang isang kabanata ng libro, pangyayari, ala-ala, at taon? Kung mayroong naiiwan sa atin dahil sa mga bagay na ito, ibisabihin ba na wala talagang katapusan ang isang bagay kapag naumpisahan na? Na kapag naukit na ang bagay na ito sa ala-ala ng tao, hangga’t sya’y nabubuhay, hindi ito magwawakas at tuloy-tuloy lamang sa kanyang pagikot?

Maraming sagot, ngunit mas marami ang tanong, tanda na hindi tayo nakukuntento sa isang katapusan – sa isang wakas. Kagustuhan natin bilang tao na magsimula muli ng bago, parang Phoenix na nabaon sa sarili nitong abo, at muling babangon na puno ng naglalagablab na determinasyon para sa buhay, para lang mauwi muli sa pagiging abo pagkatapos.

Ang kawalan ng ugali na maging kuntento, yan marahil ang isa sa pinakamaganda at pinakadelikadong ugali ng tao. Dahil sa hindi pagiging kuntento nagkakaroon tayo ng mga bagong kagamitan, mga tuklas ng mga dalubhasa, sayantipiko, pati ng mga ordinary tao. Dahil sa mga ito, mas napapadali ang buhay, mas umiikli ang oras upang matapos ang isang gawain, mas nagiging maginhawa ang pamumuhay dahil sa mga makabagong kagamitan na ginagawang mas convenient ang ating pang-araw araw na gawain.

Ngunit lahat ng bagay ay may kabilang perspektibo. Katulad ng piso na mayroon dalawang mukha, ganoon din ang hindi pagiging kuntento. Dahil sa ugaling ito, maraming tao ang naging sakim sa maraming bagay. Sakim sa kayamanan, sa kapangyarihan at sa impluwensya. Ang mga taong ito ay nabulag ng kanilang sariling kawalan ng kuntento sa sarili. Nais nilang kamkamin ang lahat ng naabot ng kanilang madudungis na daliri para sa kanilang sariling interes. Ang mga taong ito ay nagdulot na ng maraming kasamaan sa mundo, kasamaan na nagbunga sa di magagandang ala-ala sa ating kasaysayan. Dahil sa kanilang kasakiman, maraming inosenteng tao ang nadamay.

Ang hindi pagiging kuntento ay isang magandang karakter ng tao. Ngunit kailangang gamitin ito ng may moderesyon, upang maiwasan kainin ng kasakiman, na tiyak magdudulot ng kasawian at habag sa ating mundo.

Leave a comment

Filed under Fiction

Tao

Sa alon ng paglalakbay at pagtahak sa magulong daan, hindi sya natutumba o nawawalan ng balanse, habang yung mga kasabay nya – partida pa’t nakaupo – ay hilo na at mistulang ilalabas ang kanina nilang kinain sa agahan. Bitbit-bitbit ang halos anim na bareta ng papel na may iba’t ibang kulay sa isang kamay, at perang papel na nakaipit naman sa palasingsingang daliri sa kabila, mabilis ngunit sigurado nyang binibilang ang ibinibigay ng mga nagpasyang sumamasa kanyang paglalakbay.

Ang totoo, hindi ko masyadong alam ang kanyang kwento. Madalas ko lamang syang makita tuwing aangkas ako sa sakay nya. Hindi ko rin alam ang kanyang pangalan, o kung taga-saan sya; pero kasama ang taga-timon ng kanilang sasakyan, ipinapaubaya ko ang aking buhay at kaligtasan sa kanilang mga kamay. Hindi naman sa nagpapakatanga o itinapon ko na ang aking buhay. Hindi rin ibigsabihin nito na wala na akong pakialam sa kung ano man ang mangyayari sa akin, ngunit dahil sa simpleng katotohanan na naisipan kong sumakay kasama silang dalawa.

Pero madalas, hindi ko na rin naiisip yung ganoong bagay. Mas naaliw akong panoorin kung paano sya magtanong ng destinasyon ng kanyang pasahero, kumuha ng bayad, magpunit ng tiket mula sa kanyang bareta ng papel at iabot sa parehong pasahero na minsa’y kasabay ang kakabilang pa lamang na sukli. Lahat ng iyon, ginagawa nya habang nakatayo o nakasandal habang umaandar ang aming sasakyan at tinatahak ang magulo, masikip, at maduming kalye ng Maynila. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, ganun at ganun din ang aking natutunghayan; ibang tao, ngunit parehong kilos lang din ang ipinapahiwatig.

Isang beses, sumakay ako at naupo sa loob ng sasakyan. Nilapitan nya ako at tinanong ang aking destinasyon, sumagot ako sabay abot ng bayad. Binilang nya ang aking sukli, nagpunit ng tiket at iniabot sa akin ang mga ito. Habang tinatahak ang daanan, inisip ko kung paano nga ba ang buhay bilang konduktor. Paano kaya nya nagagawang matirang nakatayo ng halos buong araw ng hindi natutumba, napapagod o na ngangawit sa kanyang kinatatayuan? Dagling pagmumuni-muni, na wala namang kabuluhan. Ngunit bilang pampatay ng oras, pinatulan ko ang inihai ang tanong ng aking naglalakbay na isipan. Siguro, kaya hindi sya natutumba o napapagod ay dahil sa gomang bilog na nakasuot sa kanyang hinlalaki na ikinukubli lamang nya bilang ordinaryong goma, pero sa katunayan, isa itong agimat na mayroong pambihirang kapangyarihan. Napangiti ako sa mga sinasabi ko, at nung mapansin ko na malapit na kami sa aking destinasyon, tumayo na ako at naglakad palapit sa pinto. Nangingiti pa rin sa naisip na kalokohan, nang may biglang humawak ng aking kwelyo at hinila ako paloob muli, at kasabay noon ay ang pagragasa ng isang bus sa harap ko na tila inaararo ang lahat ng kanyang madaanan.

Magkaiba man ang sasakyang nagdadala ng aming mga magkakasalungat na tadhana, pansamantalang pinagbubuklod ng aming sinakyan ang buhay namin. Kahit sa maikling pagkakataon lamang, pumalaot kami sa buhol-buhol na trapik ng EDSA, hindi namin kilala ang isa’t-isa, ngunit ipinapaubaya namin ang aming buhay makarating lang sa aming pupuntahan.

Leave a comment

Filed under Fiction

1:29 AM

Parang pako na paulit-ulit hinahampas ng martilyo ang dibdib ko, bakit ba kasi nagpagabi ako ng ganito? Dapat kaninang umaga ko pa tinapos tong pinapagawa sa akin, ayan tuloy inabot ako ng dis-oras na gabi, at hanggang ngayon hindi ko pa tapos ang dapat kong gawin.

Bakit ba hindi ako humanap ng kasama? Ako tuloy ang magisang gumagawa nito. Nakakainis, dapat dalawa nalang kami ni Jun ang trumatrabaho nito e, si boss kasi ang daming arte, andaming pinapagawa, akala nya naman robot kami na instant at plantsado trumabaho. Nyeta talaga.

Shemay, ansakit na ng dibdib ko. Aatakihin na ata ako dito, huwag naman sana, ayokong makita ng mga tao na nakahandusay habang tinatapos ko ‘to. Nakakahiya, baka isipin nila hindi ko kinaya kaya bigla akong bumulagta at namatay.

Ayan, onti nalang at matatapos ko na. Sana okay lang kay boss ang gawa ko. Huwag na sana syang maarte, buti nga at natapos ko na yung pinapagawa nya. Sa susunod talaga, mas maaga ko nang gagawin ‘to, para hindi na ako aasa sa kasama ko o kahit sa ano pa man.

At sa susuno,hindi na talaga ako iinom ng Cobra. Putragis.

1 Comment

Filed under Fiction