P-U-T-A-N-G I-N-A N-Y-A
Ang nakasulat sa isang piraso ng papel na pitong beses na tinupi, tinalupan, at tiniklop muli bago ibinigay sa akin para buksan at basahin.
Labor law class namin. Tatlong oras ng umaatikabong recitation kay atty. Ngayong araw na ito, yung musa o class muse namin ang napiling bigatin sa tumpok ng index card na binalasa, kinut, at muling binalasa bago bunutan para mapili kung sino ang magrerecite.
Ibinaling ko ang tingin kay Ana. Sya yung nagbigay sa akin nung papel na hitik sa inis.
“Sinong kaaway mo ha?” ang pakorteng sabi ng bibig ko ng walang ingay habang nakataas ang dalawang kilay.
“Bob.” ang bukas ng kanyang bibig na walang halong tunog pero halata ang pagkaburat.
Si Bob, yung humarana kay Ana sa reading area para sagutin sya at maging boyfriend nito. Okay sana yung ginawa nya, kaso itinaon ni Bob sa buwan ng Bar exams yung gimik nya. Kaya ayun, nakuyog. Ang balita ko, putol lahat ng kwerdas ng gitara na dala nya. At yung balat ng Ferrero chocolate na panuhol sana ni Bob kay Ana ay nakapasak lahat sa bibig nya. (bibig ni Bob hindi ni Ana)
Ang totoo, palaisipan pa rin sa akin kung bakit sinagot ni Ana ang mokong na iyon.
Hindi naman sa nagbubuhat ako ng sariling bangko, pero dihamak na mas may common sense ako kaysa kay Bob at halos parehas lang kami ng dami ng paligo. At hindi naman sa defensive ako, pero wala akong gusto kay Ana. Aaminin ko maganda sya. Maputi. Maliit ang mukha pero mabilog ang mga mata. Dati nagsusuot sya ng salamin, pero ngayon naka-contact lens na sya. Mapupungay ang mga pisngi habang nakaangkla ang mahaba at itim nyang buhok sa kanyang perpektong mga tenga. Matangos ang ilong at malambot ang mapula-pula nyang mga labi.
Medyo may kapayatan nga lamang at hindi nabiyayaan ng malusog na hinaharap. Pero mahaba at balingkinitan ang kanyang mga hita.
Siguro kaya sinagot sya ni Ana ay dahil sa awa nito sa kanya. Siguro dahil lumambot na parang tsokolate ang puso nya nung nakita nya si Bob na bugbog kasama ang gitara.
Ano kayang nangyari dun sa gitara? Balita ko Yamaha daw yung tatak nun at original. Shet na malagket, sayang.
Nagsulat ako ng reply, ‘Anong nangyari?’
Tinignan, binasa, tinupi, at pinasuyo sa katabi para ipasa.
Sinundan ko ng tingin ang papel habang pinagpasa-pasa ito ng mga kamay habang pasulyap-sulyap ako kay atty. na kasalukuyang ginigisa si class muse. Kaso ang ibinigay na tanong nito. Chua-Qua v. Clave. Tungkol sa hindi tama at delay na pagpapasweldo nung employer. Mukhang okay pa naman si class muse. Kaya pang sumabay sa mga tanong na ibinabato sa kanya.
Ibinalik ko muli ang tingin kay Ana. Hindi pa sya tapos magsulat.
Tingin ulit ako kay atty. at class muse.
Wiling-wili magtanong si atty. May kurba ng konti sa gilid ng labi. Yung tipong pangiti sya. Dahil sa tamang sagot na ibinibigay ni class muse o dahil alam nyang kagaguhan na lamang ang mga ibinigay nito sa kanya. Hirap sabihin. Ayoko namang tignan si atty. sa mata, baka magkrus pa ang tingin namin at ako ang sunod na mapagtripan nya.
Tinapik ako sa tenga nung katabi ko.
“Putang ina.” ang sambulat ko sabay tingin sa kanya.
Hawak nya yung papel at halata mo sa mukha nya ang pagkaurat.
Halata mo rin sa mukha ni atty. ang pagkagulat at pagtataka habang nakatingin sya sa akin. Pati si class muse nakatingin habang nakabukas ang bibig at tipong natigilan sa kalagitnaan ng pagsagot sa recitation.
Anak ng pitongput-pitong puting puta, narinig ata ako ni sir.
“Mr. Cruz. Anong poblema?” ang tanong ni atty. yung kurba sa gilid ng labi tuluyan nang naglaho at nawala
“None sir. I’m sorry.” nangunguluntoy na sagot ko habang nakababa ang tingin para iwasan ang mga mata nya.
Katahimikan. Huni lamang ng aircon ang maririnig mo sa ganitong klase ng katahimikan.
Ibinalik ni atty. kay class muse ang atensyon nito.
Tumingin ako kay class muse para humingi ng dispensa.
Pero yung tingin nya sa akin, kahit duling mahihiya at pipilitin ituwid ang balugtot na mga mata.
Alam nyang alam ko na alam nyang mas magiging mahirap at specific ang susunod na tanong ni atty. pagkatapos ng nangyari.
Pero alam ko na alam nya na alam ko na kapag hindi na sya (class muse) nakasagot, tyak ako ang susunod na ‘mabubunot’ sa tumpok ng index card para humalili at pumalit sa kanya.
At alam ko na alam ng aking mga kaklase na alam ko ang mga ito. At nararamdaman ko ang tahimik pero nagiisa at nagkakaisang buntong ng mga hininga ng ibang nakaupo dahil tyak hindi sila ang sunod na matatawag. Mga gago.
Ako na rin lang ang susunod na matatawag, mabuti pang ihanda ko na ang sarili sa pamamagitan ng pagbasa sa mala-nobelang sulat ni Ana.
Kinuha ko ang papel at binuksan.
‘Break na kami. Gusto ko ng closure.’
Yun lang ang nakasulat.
Putang inang ‘to. Ano ako? Nagmimilagrong santo? Anong gustong mangyari ni Ana? Gusto ba nya na pasulatin ko si Mr. Carinoso (Ca-rin-yo-so) para magbigay ng advice, sabuyan ko ng dugo, dasalan ng latin at humiling na basbasan ng Santo Papa ang papel na ‘to.
Pero mukhang seryoso si Ana sa bagay na ito. At bilang kaibigan, kaklase, deboto ng Nazareno, at sunod nang babarilin sa Bagumbayan kailangan kong magbigay ng mabuting sagot. Baka sakaling ma-convert ito sa good karma points.
Putragis. Hindi ko alam ang isusulat ko. Ano ba kasi yang closure na yan?
Pero teka. Break na daw sila ni Bob. Tatalon-talon na tipaklong. Wala na si Ana at Bob na mukhang asong pandekorasyon sa taxi na tatango-tango ang ulo.
Tingin kay atty. at class muse. Halos tumirik na ang mata ni class muse sa pagtingin sa kisame na parang may hinahanap na kung ano. At ako naman si gago, napatingin din sa taas para malaman kung ano yung hinahanap nyang yun. Masamang pangitain ito.
Tingin sa papel. Tingin kay Ana. Balik sa papel. Pero nasa isip ko pa din si Ana. Closure. Bakit pa ba kailangan ng closure pagkatapos magbreak? Break na nga kayo e. Kumbaga sa pelikula, ending na. Nangangabayo na ang bida patungo sa palubog na araw, naghalikan na ang dalawang magkasintahan habang may bumabati ng ‘MABUHAY ANG BAGONG SAKAL este KASAL’, nahuli na ng late na mga pulis ang lampas isang dosenang bugbog saradong goons sa isang abandonadong warehouse at nagtatawanan na ang mga bida na binubuo ng dalawang matanda, dalawang babae, isang bakla, tatlong chikiting at isang askal na nagngangalang ‘Pulgas’ na nambugbog sa mga masasamang loob.
Bakit kailangan mo pa ng closure kung may happy ending na nga? E kung hindi ka rin lang isa’t kalahating tanga. Kailan pa naging happy ending ang break-up sa pagitan ng dalawang nagmamahalan? Sa mga abangers na tahimik at lumiligid-ligid, pwede pa siguro. Sa halos lahat yata ng relasyon meron nun.
Teka, ako ba yung abangers sa relasyon ni Ana at Bob? Syempre hinde. Paano ako magiging abangers kung ako ang tao na para talaga kay Ana. Hindot. Kaibigan lang si Ana.
Ka-ibig-an.
Ang ipinupunto ko ay bakit sa bawat love story na ginawa ng Diyos na nauwi sa hiwalayan, palaging mayroon maghahanap ng closure. Palaging mayroon isa na tatawag o magtetext na ‘usap tayo…’, ‘anong nangyari sa atin?’, ‘ANIMAL. Ipinapangako ko, kapag nagkita tayo puputulin ko yang ari mo at ididikit sa noo mo!’
Palaging mayroong maghahanap ng lohiko sa likod ng bawat kabiguan ng puso. Kung ang pagsagot sa recitation ay parang paghahanap ng karayom sa tumpok ng dayami na kailangan lang buhusan ng langis ng pagpupuyat at silaban para mahanap ang karayom ng tamang sagot, ang paghahanap naman ng closure sa break-up ay parang paghahanap ng isang gabuhok na piraso ng dayami sa tumpok ng mga karayom. May posibilidad namang mahanap. Pero baka nagdedelusyon na yung naghahanap dahil sa tetano na dala ng tusok ng libo-libong karayom.
“Mr. Cruz….”
Para akong tinusok ng nagyeyelong karayom sa batok. Napatayo ako. Sabay linga kay atty., kay class muse, at kay Ana. Nalintikan na. Ito na nga ba yung sinasabi ko.
“In the case of Chua-Qua v. Clave, what did the Supreme Court say about the human heart with respect to the relationship of Petitioner Evelyn Chua-Qua with her former student and current spouse Bobby Qua?” ang sintensya sa akin ni atty.
Tingin sa kisame. Tingin kay class muse. Tingin kay Ana. Ngit-ngit ng butiki sa kisame na kumain sa sagot na aking hinahanap. Anong isasagot ko? Punyemas.
Nabasa ko naman yung kaso, pero hindi ko maalala na may binanggit yung Supreme Court tungkol sa ‘human heart’ na yan. Hindi pwedeng i-bluff, masyadong specific yung tanong. Kumbaga sa impyerno, ako yung maswerteng napili ni Satanas na tusukin ng paulit-ulit gamit ng dambuhala nyang tinidor.
Magsasabi na sana ako ng ‘Sir I have not read the case.’ nang bigla akong tinapik sa hita ng katabi ko. May isinulat sya sa papel na pitong beses na tinupi, tinalupan at muling tiniklop bago ibinigay sa akin ni Ana.
Bahala na si Batman. Inilapat ko ang papel at binasa ng tahimik ang laman:
P-U-T-A-N-G I-N-A N-Y-A
Anong nangyari?
Break na kami. Gusto ko ng closure.
The heart has reasons of its own which reason does not know.
Bibliography:
– Evelyn Chua-Qua v. Hon. Jacobo C. Clave; GR No. L-49549; August 30, 1990